"Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis" Humakot ng Papuri! Best Mini Series sa 38th PMPC Star Awards for TV
By Boy Romero
Mukhang hindi lang masasamang loob ang natalo ni Tolome. Pati sa parangal, wagi siya.
Ang “Walang Matigas na Pulis sa Matinik na Misis” ang hinirang na Best Mini Series sa 38th PMPC Star Awards for Television noong Marso 23 sa Dolphy Theater. At kung masaya ang fans, doble ang tuwa ni action star at senador Ramon Bong Revilla Jr., na bumida bilang TOLOME!
“Sobrang nakakataba ng puso! Mula umpisa, alam naming espesyal ang palabas na ‘to. Hindi lang dahil sa aksyon at katatawanan, pero dahil may aral din sa bawat kwento. Kaya napakalaking karangalan nito para sa aming lahat,” sabi ni Senador Bong.
Tatlong season na ang lumipas, pero hindi pa rin lumalamig ang suporta ng mga manonood. Ang kombinasyon ng aksyon, tawanan, at kwentong may puso ang dahilan kung bakit patuloy itong pinag-uusapan. Sa likod ng tagumpay, kasama ni Senador Bong sina Beauty Gonzalez, Niño Muhlach, Dennis Padilla, at iba pang mahuhusay na artista.
Pero ang tanong ng lahat, may kasunod pa ba?
Wala pang opisyal na sagot, pero kung pagbabasehan ang dami ng fans na humihiling ng Season 4, mukhang hindi pa tapos ang laban ni Tolome.
Handa na ba ulit kayong matawa, ma-excite, at mapaiyak? O dapat bang manatili na lang ito bilang isang alamat?