Edgar Mortiz at Tirso Cruz III haharanahin si Vilma Santos sa 42nd Star Awards for Movies
By Boy Romero
Ogie Alcasid, Morissette, Kakie, Emma Tiglao, Tony Labrusca, Jameson Blake at Beauty Gonzalez kabilang sa performers at hosts
HUMANDA na sa maningning at makulay na 42nd Star Awards for Movies dahil muling pagsasamahin at titipunin ng PMPC Star Awards Inc. ang makikinang na mga bituin at personalidad sa pinilakang-tabing sa Gabi ng Parangal na gaganapin sa Oktubre 25, 2026 sa Winford Resort and Casino Manila.
Pangungunahan ang mga dadalong bituin ng mga Hall of Fame awardees na sina Star for All Seasons Vilma Santos-Recto, sound engineer Albert Michael Idioma, at veteran screenwriter and National Artist Ricky Lee na bibigyang pugay dahil sa sampung beses o higit pang pagkapanalo nila sa kategoryang Movie Actress of the Year, Movie Sound Engineer of the Year, at Movie Screenwriter of the Year, ayon sa pagkakasunod.
Si Vilma ang kauna-unahang aktres na pagkakalooban ng Hall of Fame sa Star Awards for Movies. Haharanahin at hahandugan siya ng isang tribute number ng dalawa sa kanyang mga naging leadingmen sa pelikula na sina Edgar "Bobot" Mortiz at Tirso Cruz III.
Espesyal na mga parangal ang igagawad sa tatlong personalidad na maituturing na institusyon sa showbiz dahil sa dami ng kanilang mga kontribusyon sa movie industry. Ang Megastar na si Sharon Cuneta ang tatanggap ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award. Bago ito kabilang din si Sharon sa mga nabigyan ng PMPC ng Dekada Awards at nanalo na rin siya ng dalawang Movie Actress of the Year. Ang mismong anak ng Megastar at singer-theater actress na si Kakie ang magbibigay ng tribute sa kanya.
Bukod kay Sharon, pararangalan din ang beteranong aktor at Pangulo ng Mowelfund na si Rez Cortez ng kaparehong award na ipinangalan sa yumaong Superstar at National Artist. Ito ang kauna-unahang Lifetime Achievement Award na matatanggap ni Rez sa loob ng kanyang limang dekadang career sa showbiz, at ang PMPC ang unang magbibigay nito sa kanya.
Ipagkakaloob naman sa dating producer na si Alex Muhlach ang Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Award. Si Alex ang namahala sa El Niño Films, na hango sa pangalan ng kanyang anak at dating Child Wonder na si Niño Muhlach.
Igagawad kina Vice Ganda at Nadine Lustre ang mga parangal na Takilya King and Queen dahil sa 2025 highest-grossing movie nilang "Call Me Mother." Nominado rin sina Vice Ganda at Nadine sa Movie Actor at Actress of the Year.
Dadagdag din sa kinang ang mga nakatokang mag-host ng awards night na sina beauty queen-host Emma Tiglao, actor-model Tony Labrusca, heartthrob actor Jameson Blake, at actress-endorser Beauty Gonzalez.
Nakatakdang mag-perform sa Opening ang OPM Chief at actor-TV host na si Ogie Alcasid. Habang magkakaroon naman ng spot number si Asia's Phoenix Morissette, na nominadong New Movie Actress of the Year para sa "Song of the Fireflies."
Siyempre aabangan din ang highlights ng gabi para sa mga magwawaging pelikula, artista, at mga tauhan sa produksyon na siguradong magbibigay kulay sa event.
Ang 42nd Star Awards for Movies ay inoorganisa ng mga opisyal at miyembro ng PMPC Star Awards Inc. sa pangunguna ng Pangulo nito na si Fernan de Guzman kasama ang Chairman ng Star Awards for Movies ngayong taon na si Melba Llanera. Si Vivian Poblete Blancaflor ang tatayong direktor ng awards night.
Katuwang ng PMPC sa Gabi ng Parangal bilang producer ang The Revival King na si Jojo Mendrez at ang EV Production and Events. Thankful si Jojo sa partnership na ito at pagtitiwalang ibinigay ng PMPC sa kanya.
Muling nakipagsanib-pwersa ang PMPC sa PlayTime Entertainment, na tatlong taon na sumusuporta sa grupo sa iba't ibang format nito: Movies, Television, at Music. Bilang official entertainment partner, ibibigay ng PlayTime Entertainment ang PlayTime Fans' Favorite Award sa awards night sa October 25.
Nagpapasalamat din ang PMPC sa Winford Resort and Casino Manila, na ilang beses nang naging tahanan at venue para sa Star Awards for Movies, TV at Music.
Ang 42nd Star Awards for Movies ay suportado rin ng Abante News TV bilang official media partner, Puregold Teatro Panalo, Goprint Services, Doye Skin… Korea Skin, IOSS INSURANCE AGENCY INC., Dexter’s Pizza, at Groovy Cafe.
#VilmaSantos
#42ndStarAwardsForMovies
#PMPCStarAwards
